MANILA, Philippines- Idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na pinal at executory ang diskwalipikasyon ni dating Caloocan Representative Edgar Erice sa pagtakbo sa House of Representatives sa May 2025 midterm elections.
Inihayag ng Comelec na naging pinal ang kanilang resolusyon noong Disyembre 27, 2024 na nagpapatibay sa hatol ng Comelec Second Division laban kay Erice matapos hindi maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC).
Si Erice ay nadiskwalipika dahil sa pagpapakalat ng “mali at nakakaalarmang” impormasyon, na itinuring ng poll body na isang paglabag sa mga batas sa halalan.
Ang kopya ng resolusyon ay inisyu kay Erice noong Disyembre 29, 2024.
Kinumpirma ng Comelec na wala itong natanggap na TRO mula sa SC, na naging daan para maipatupad ang desisyon nito.
Samantala, sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na hindi isasama ang pangalan ni Erice sa opisyal na balota dahil sa desisyon ng en banc.
Ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota para sa 2025 na halalan ay magsisimula sa Enero 6, 2025.
Una nang diniskwalipika ng Comelec Second Division si Erice noong Nobyembre 2024 dahil sa paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code, na binanggit ang kanyang pagpapakalat ng “false and alarming” information.
Ayon sa dibisyon, ang mga aksyon ni Erice ay nagpakita ng “sinasadyang layunin na guluhin ang mga halalan” sa halip na masangkot sa lehitimong pagpuna. Jocelyn Tabangcura-Domenden