MANILA, Philippines- Umakyat ang bilang ng mga barangay na apektado ng African swine fever (ASF) sa 458, mas mataas ng mahigit 82% kumpara sa nakaraang tala ng Bureau of Animal Industry (BAI) nitong buwan.
Sa pinakabagong bulletin hanggang noong Agosto 21, iniulat ng BAI na naitala ang aktibong ASF cases sa 458 barangay sa 32 lalawigan sa 15 sa 17 rehiyon ng bansa.
Mas mataas ang mga bilang na ito kumpara sa datos ng BAI hanggang noong Agosto 8, kung saan naitala ang mga kaso sa 251 barangay sa 22 probinsya sa 11 rehiyon.
Ani Agriculture Assistant Secretary for Poultry and Swine Dante Palabrica, inaasahan na ang pagtaas ng mga bilang sa gitna ng tag-ulan.
“Expected natin ‘yan dahil sa ulan at kumalat hanggang doon sa mga area na dati ay negative. At tulad ng sinabi ko na kahit na ibaon mo ‘yung baboy pag may ASF, ‘pag nabungkal ito, tatamaan na naman ito sa mga baboy sa area,” wika ni Palabrica.
Dagdag ni Palabrica, maaaring ang pagklat ng ASF ay dulot din ng tiwaling traders na nagbebenta ng mga baboy na sapul ng sakit.
Makatutulong umano ang local government units sa pagkontrol sa pagkalat ng mga may sakit na baboy.
“Ang LGU ay independent by itself and they have the funds. Ang LGU ay dapat na mag-setup ng checkpoints sa kanilang lugar para first border at doon pa lang maibaon nila ‘yung [mga infected na baboy]. Ang second border… Ito sa NCR (National Capital Region). Hindi naman natin masasabi na maco-cover lahat ng checkpoints ‘yan,” giit ni Palabrica. RNT/SA