MANILA, Philippines- Agad na tinapos ni Senator Robin Padilla nitong Martes ang Senate panel hearing sa panukalang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution, o Resolution of Both Houses No. 6 (RBH 6).
“Kahit ano pong gawin namin ng Senado at Kamara, laging darating sa kuwestiyon – kuwestiyunin ang desisyon namin kung ito ba ay pabor o hindi pabor sa konstitusyon. Lagi pong magkakaroon ng tanong hanggang hindi naliliwanagan ‘yan kung ‘yan ay [pagbobotohan ba] jointly o separately,” paliwanag ni Padilla sa kanyang opening statement sa pagdinig.
“Masakit sa ulo dahil sayang ang pera ng bayan sa paggawa gawa ng hearing, pagdinig patungkol dito hangga’t hindi po ito nahaharap kung ano ba talaga,” dagdag ng senador.
Binanggit din nya na natalakay na ang parehong panukala ng parehong Senate committee nang pinamumunuan pa ito ni dating Senator Sonny Angara.
“Kaya po akin pong iparating sa ating mga kababayan na ito pong RBH 6, na ginawan ng pagdinig ng ating kaibigan na si Sonny Angara, ay ia-adjourn na natin ang pagdinig nito sapagka’t nagawan, ginawan na po namin ito ng pagdinig, natapos na at nagkaroon na ng committee report,” patuloy niya.
Ani Padilla, gagamitin na lamang niya ang naunang committee report at isusumite ito.
“Sapagka’t mga kababayan hindi na kailangan ulitin ulit at gumastos pa ulit at tanungin pa ulit, paulit ulit na tanong, pero ang babagsakan naman nito ay wala rin,” wika ng senador.
Matatandaang naghain si Padilla ng petisyon sa Supreme Court na nilalayong maresolba kung boboto nang iisa ang mga kapulungan ng Kongreso o magkahiwalay sa pagtalakay sa constitutional amendments. RNT/SA