MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes ang pagsisimula ng government-controlled vaccine rollout laban sa African swine fever (ASF) sa Batangas sa Agosto 30.
“We’re going to implement the vaccination this Friday in Lobo para masimulan na iyong treatment na mangyayari dito sa dumadami ng kaso ng ASF. Expected natin yan dahil sa ulan,” pahayag ni DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica sa isang phone interview.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na sinisilip nilang ipamahagi ang nasa 2,000 doses ng AVAC live vaccines sa Lobo.
“So, August 30 we’ll start in Batangas and then eventually sa (in) Quezon. Pag okay ito, then we’ll move around in other areas. Perhaps, siguro mga 2,000, ganun unahin natin,” pahayag ng opisyal.
Inanunsyo nina Palabrica at De Mesa ang vaccine rollout sa pag-ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng 1,808 porsyentong pagtaas sa red zones o barangay na may aktibong ASF cases mula Mayo 17.
Hanggang noong Agosto 21, iniulat ng BAI ang 458 barangay sa 15 rehiyon sa ilalim ng red zones, na mas mataas kumpara sa 24 barangay sa unang kalahating bahagi ng Mayo.
“Titignan natin, June 7, 32 lang yung barangays na may active cases. So, unti-unti tumaas iyan. July, naging 150, and then early August, naging 251,” wika ni De Mesa.
Sa kabila nito, iginiit ng agriculture officials na nananatiling under control ang ASF situation sa bansa dahil sa mahigpit na strict biosecurity protocols ng pamahalaan, ASF vaccination plans, at patuloy na testing, repopulation, at indemnification programs. RNT/SA