MANILA, Philippines – Pinagsisikapan na ng mga awtoridad na pigilan ang pagkalat ng African swine fever (ASF) kasunod ng muling pagkakatala ng mga bagong kaso nito sa Barangay West Balabag, Valencia, Negros Oriental.
“The ASF cases in Valencia are a re-emergence as there was a previous outbreak last year in that town but it was already contained through culling,” ani Dr. Alfonso Tundag, quarantine officer ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa probinsya.
Ani Tundag, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang posibleng source ng pagbabalik ng ASF sa munisipalidad.
Nitong Miyerkules, iniulat ng Department of Agriculture-Provincial Agriculture Technology Coordinating Office (DA-PATCO) na nasa 160 baboy ang tinamaan ng sakit at nakatakdang isailalim sa culling.
Ayon kay Alejandro Rafal, Jr., DA-PATCO head sa probinsya, nagsimula na ang depopulation ng mga baboy sa naturang barangay.
Isinagawa rin ang disinfection sa mga farm at tirahan kung saan iniulat ang mga nasawing baboy.
Bago pa ilabas ng Valencia LGU ang executive order kaugnay sa ASF outbreak, naglatag na ng checkpoint sa mga strategic na lugar para maiwasan ang pagpasok ng mga buhay na baboy mula sa mga apektadong barangay.
Isasama naman sa depopulation ang nasa 1,500 meter radius ng apektadong barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na nakapagtala na pala ng mga kaso ng ASF noong nakaraang buwan ngunit walang nagsumbong nito sa mga awtoridad.
Ani Tundag, napag-alaman na “some 50 pigs had died as early as the first week of July” at hindi ito iniulat ng mga may-ari.
“They did not report the cases, perhaps out of fear that their live hogs will be culled as well,” paliwanag pa ng BAI official.
Hiniling niya sa municipal agriculture officer ng Valencia na magsagawa ng backtracking of events sa pagbabalik ng ASF at matukoy ang source ng impeksyon. RNT/JGC