NEGROS Occidental – Isang aso sa Murcia ang nakaranas ng matinding pagmamalupit matapos matagpuang may limang tama ng pana na nakabaon pa sa kanyang katawan.
Ang aso, na pinangalanang “Tiktok,” ay pinaniniwalaang iginapos at ginawang target ng matatalim na pana na may bakal na bala.
Natagpuan si Tiktok na sugatan at nanghihina sa Barangay Blumentritt noong Lunes, Pebrero 24, 2025.
Ayon kay Corazon de la Cruz, isa sa mga nagpalaki sa aso, may alambre rin sa leeg ng hayop, patunay na posibleng iginapos muna ito bago pinagtripang tiradahan ng pana.
Dahil sa online bayanihan, nakalikom ng pondo ang mga animal rights advocates para sa operasyon ng aso. Hindi naging madali ang pagtanggal sa mga pana dahil may serrated o may kawit ang dulo ng mga ito, na nagdulot ng mas malalim na sugat sa katawan ng hayop.
Ayon kay Dr. Aaron Pabalan Jr., malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng tetanus infection si Tiktok.
Umaasa ang mga animal rights advocates na magsilbing eye-opener ang insidenteng ito para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa pagmamalupit sa hayop.
“Dapat lagyan ng bigat ang mga batas natin para maprotektahan ang mga hayop laban sa ganitong klaseng pagtrato,” dagdag ni Pabalan.
Samantala, naniniwala ang pulisya na pinagtripan lamang si Tiktok at sinubukan ang lakas ng pana sa hayop. Ayon kay Major Sherwin Fernandez ng Murcia Police Station, delikado ang ganitong uri ng armas na maaaring makapatay hindi lang ng hayop kundi pati tao.
Nag-alok na ang lokal na pamahalaan ng Murcia at iba pang concerned groups ng P235,000 na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kung sino ang may kagagawan ng karumal-dumal na pagtrato kay Tiktok.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kawawang aso. RNT