Inanunsyo ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI) nitong Miyerkules na nagsasagawa sila ng masusing imbestigasyon kaugnay ng umano’y paglabag sa patakaran laban sa political campaigning sa kasalukuyang Panagbenga festival.
Ang buwanang selebrasyon, na kilala sa makulay nitong parada at kulturang kahalagahan, ay may mahigpit na panuntunang nagbabawal sa anumang uri ng pangangampanya sa buong tagal ng pista.
Ayon kay Atty. Mauricio Domogan, tagapangulo ng BFFFI, kasalukuyan silang nangangalap ng ebidensya at impormasyon upang matukoy kung paano nilabag ng ilang kalahok sa parada ang itinakdang mga patakaran.
Sinabi rin niya na ang pinakamabigat na parusang maaaring ipataw ay ang pagbabawal sa mga lumabag na sumali sa mga susunod na edisyon ng festival.
“Lahat ng kalahok ay rehistrado at binigyan ng pahintulot na sumali sa kundisyong susunod sila sa aming patakaran. Alam nila ang mga alituntunin at inaasahan naming igagalang nila ang mga ito, tulad ng paggalang namin sa kanilang partisipasyon,” pahayag ni Domogan.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na kilos ng pangangampanya ay ang pagbaba mula sa float upang makipagkamay sa mga manonood at ang pamimigay ng campaign materials. Paulit-ulit umanong pinaalalahanan ang mga kalahok tungkol sa patakarang ito upang maiwasan ang anumang uri ng political promotion sa pista.
Ibinunyag naman ni Anthony De Leon, tagapangulo ng BFFFI Executive Committee, na malinaw nilang inanunsyo ang patakaran noong Enero 6, sa mismong paglulunsad ng festival. Ipinahayag din niya ang kanyang pagkadismaya at tinanong kung paano mapagkakatiwalaan ang mga kandidatong hindi kayang sumunod sa simpleng patakaran ng pista.
Ayon naman kay Frederico Alquiroz, pangulo ng BFFFI, may ilang kalahok na nagsuot ng mga damit na may pangalan at larawan ng isang pulitiko. Bagamat sumunod ang ilan sa utos na palitan o takpan ang kanilang suot, mayroon pa ring nagpumilit na labagin ang patakaran.
“Tiyak na aaksyunan namin ang hayagang pagwawalang-bahala sa aming mga alituntunin,” giit ni Alquiroz, na binigyang-diin ang dedikasyon ng BFFFI na panatilihing non-political ang pagdiriwang ng Panagbenga. RNT