Home METRO Gurong engineer todas sa tambang sa Cotabato

Gurong engineer todas sa tambang sa Cotabato

MANILA, Philippines – Isang guro at inhinyero mula sa Notre Dame University (NDU) sa Cotabato City ang nasawi sa isang insidente ng pamamaril noong Martes ng gabi, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules.

Kinilala ang biktima na si Israel Abas Angas, 29 taong gulang, na sakay ng kanyang sasakyan sa Notre Dame Avenue, Rosary Heights 3, nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagtamo si Angas ng mga tama ng bala sa kaliwang bisig at itaas na bahagi ng tiyan at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 14 na basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibre .45 na baril at ang sasakyan ng biktima.

Ayon kay Police Colonel Randulf TuaƱo, acting chief ng PNP public information office, may apat na suspek na tinutugis na ngayon ng mga awtoridad, na sinasabing bahagi ng isang armadong grupo.

Mariing kinondena ng Notre Dame University ang pagpaslang kay Angas, na tinawag nilang isang “karumal-dumal na krimen” at isang malaking kawalan sa kanilang akademikong komunidad.

Nanawagan ang unibersidad sa mga awtoridad na agarang tugisin at papanagutin ang mga may sala upang hindi na madagdagan ang listahan ng mga kaso ng walang saysay na karahasan sa bansa.

Nagpaabot din ang NDU ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya, kaibigan, at mga estudyante ni Angas, kasabay ng kanilang panawagang hustisya para sa minamahal nilang guro at propesyonal. Santi Celario