CAGAYAN DE ORO CITY — Patay ang isang lalaki, na umano’y police asset, matapos gulpihin at tadtarin ng saksak ng mga stepbrother ng kaniyang nobya sa Lower Tambo, Barangay Macasandig, ayon sa pulisya.
Nakuhanan sa isang video ang pag-atake.
Dinala sa ospital ang biktima matapos makatanggap ng humigit-kumulang 22 saksak, ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa pulisya, tinawag ng mga suspek ang biktima para hiramin ang kaniyang motorsiklo.
Agad na nagsagawa ng pursuit operation ang mga awtoridad; isang 19-anyos na suspek ang naaresto habang patuloy ang paghahanap sa dalawa pa.
Sinabi ng pulisya na galit ang mga suspek dahil pinaghihinalaan nilang ang biktima ang dahilan ng pagkakaaresto ng kanilang ama sa kasong droga.
Ayon sa pulisya, malaki ang naitutulong ng biktima sa kanilang operasyon. Patuloy pa rin ang pagkuha ng pahayag mula sa nadakip na suspek. RNT