MANILA, Philippines — Nawalan ng kaliwang kamay ang isang 10-taong-gulang na babae matapos sumabog ang “dart bomb” na inilagay ng 14-taong-gulang na batang lalaki sa Sta. Cruz, Manila noong Enero 5.
Ipinakita sa CCTV footage na humawak ang biktima sa bintana kung saan inilagay ang paputok habang nagro-roller blade.
“Nag-balance siya doon sa bintana na may paputok po. ‘Yung klase ng paputok po ay kapag nahawakan mo ay sasabog. Ngayon po, pag sandal po ng anak ko, biglang sumabog po. Tumalsik po ‘yung anak ko, nauntog po yung mukha. ‘Yung left hand niya ay ‘yun po ang pinaka-damaged talaga,” ayon sa mga bata.
Dinala ang bata sa Jose Reyes Memorial Medical Center, kung saan kinailangang i-amputate ang kaliwang kamay. Inirekomenda ng doktor ang amputation upang maayos na mailagay ang artipisyal na kamay sa hinaharap.
Ang 14-taong-gulang na suspek ay dinala sa Manila Reception and Action Center (RAC). Walang kasong kriminal ang isinampa dahil sa kanyang edad. Nagkita ang dalawang pamilya noong Enero 7.
“Yung unang hearing po namin, puro sorry lang po…wala naman pong ibang in-offer, basta pasensya, humingi ng dispensa sa akin. Ako naman, very calm lang ako kasi ayaw ko naman sabayan yung galit, sa legal kami umaasa,” ayon pa sa ama ng biktima.
Pinag-iisipan ng pamilya ng biktima ang posibleng legal na aksyon para sa danyos at nababahala sa hinaharap ng anak.
“Forever niyang dadalhin yung putol ng kamay niya. ‘Yung galit nandun din po, pero hindi ko magawang magalit kasi nga minor ‘yung bata,” dagdag pa ng ama ng biktima. RNT