ANG desisyon ng Malacañang na italaga si dating PNP chief Gen. Nicolas Torre III bilang general manager ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) ay maaaring balutin ng magagandang salita dahil sa “bagong hamon,” “malawak na karanasan,” “urban management” ngunit sa mata ng marami, malinaw ang dating nito na isang demotion. Mula sa pinakamataas na posisyon sa pulisya ng bansa, ibinaba si Torre sa isang ahensyang matagal nang itinuturing na traffic enforcer ng Metro Manila, hindi sentro ng tunay na kapangyarihan.
Hindi lingid sa publiko na bilang PNP chief, si Torre ang nanguna sa pagpapatupad ng mga sensitibo at delikadong utos ng Malacañang. Siya ang naging mukha ng matitinding operasyon laban sa makapangyarihan kabilang ang pag-aresto kay Pastor Apollo Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte. seguridad ng sinumang opisyal.
At ano ang naging kapalit ng pagiging “loyal executor” sa mga utos ng Palasyo? Pagkatanggal sa Philippine National Police matapos ang umano’y hindi pagsunod sa National Police Commission at ngayo’y paglipat sa MMDA. Sa madaling salita, ito ang naging premyo ni Torre> Mahirap hindi itanong: ito ba ang premyo ni Torre? Ganito ba tinatrato ang opisyal na tumupad sa mga sensitibong misyon ng administrasyon?
Maaaring igiit ng Malacañang na hindi ito pagbaba ng ranggo kundi lateral move. Ngunit sa pulitika, mahalaga ang simbolismo. Ang PNP chief ay may direktang impluwensiya sa pambansang seguridad; ang MMDA, bagama’t mahalaga, ay nakatali sa koordinasyon, pakiusap, at pakikipagbuno sa mga lokal na opisyal na may sariling interes.
Mula sa command authority, napunta si Torre sa isang posisyong madalas ay kulang sa tunay na kapangyarihan.
Ang mas masakit na mensahe nito ay sa sistemang pampulitika, ang pagiging epektibo at masunurin ay hindi garantiya ng proteksyon sa pwesto. Kapag tapos ka nang gamitin, maaari kang ilipat—o itabi—kahit pa nagawa mo ang mga utos na ayaw hawakan ng iba.
Sa huli, hindi lamang ito kuwento ni Torre. Ito’y babala sa lahat ng opisyal na sa loob ng kapangyarihan, ang “premyo” ay madalas hindi medalya kundi mas tahimik na upuan—at minsan, malinaw na pagbaba.






