Bulacan – Syut sa kulungan ang “astig” na 24 anyos na motorcycle mechanic matapos manuntok ng traffic enforcer at tumakas sa Oplan Sita ng pulisya sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si Andrei, tubong Maynila at kasalukuyang residente ng Brgy. San Rafael IV.
Sa report ng SJDM police station, nangyari ang insidente bandang 5:30 ng hapon nitong Agosto 1 sa Sampol Market, Brgy. San Martin 1.
Ayon sa imbestigasyon, habang naka-duty kasama ang mga pulis ng PCP4, pinara ng traffic enforcer ang namataang motorcycle rider na walang helmet.
Nang makadaupang palad ng enforcer ang rider para sabihin ang kanyang paglabag at hanapan ng mga kaukulang dokumento ay hindi ito nakipagtulungan.
Sa halip ay nagmatigas ang rider hanggang sa suntukin ang enforcer na tinamaan sa katawan at mabilis na tumakas sa direksyon ng Norzagaray.
Dahil dito, dali-daling tinugis ng mga pulis hanggang masukol kalaunan ang rider na nahaharap Ngayon sa kasong direct assault at sa RA 4136 habang nakakulong sa naturang istasyon.(Dick Mirasol III)