MANILA, Philippines — Namataan umano sa Calabarzon dalawang linggo na ang nakalilipas si negosyanteng si Atong Ang, na nahaharap sa mga kaso kaugnay ng missing sabungeros, ngunit nananatili pa rin itong nakalalaya, ayon kay Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla nitong Huwebes.
“Atong Ang has a Red Notice. He was spotted in Region 4-A two weeks ago. Nakita siya,” ani Remulla sa isang interbyu.
“We had follow-up operations. We missed him by a day,” dagdag pa ng kalihim.
Ayon kay Remulla, palipat-lipat umano ng tinutuluyang lugar si Ang kada tatlo hanggang limang araw at may kasamang maliit na grupo upang makaiwas sa pag-aresto.
“Apparently, he travels in a small group. Parang tatlo lang sila. Tapos palipat-lipat siya ng bahay every three days, four days, five days. Lipat na siya nang lipat all around the Philippines,” aniya.
Nilinaw din niya na hindi pa beripikado ang mga naunang ulat na nakita si Ang sa Vietnam, at pinaniniwalaang nasa Pilipinas pa ito dahil walang kumpirmadong record ng paglabas nito ng bansa.
May mga arrest warrant na inilabas laban kay Ang at iba pang sangkot para sa kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng missing sabungeros case. Mariin namang itinanggi ni Ang ang mga alegasyon laban sa kanya.
Humiling na rin ang mga awtoridad ng Interpol red notice laban kay Ang, na isang kahilingan sa mga law enforcement agency sa buong mundo upang matunton at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o iba pang legal na proseso.
May nakalaang P20 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kanyang ikadarakip. Santi Celario