TILA nag-boomerang kay Atty. Salvador Panelo ang naging pahayag niya na may mga senador na raw na siguradong boboto para ma-convict si Vice President Sara Duterte kapag nakarating ang trial proper ng impeachment sa bise presidente.
Pinangalanan pa nga niya at tinaguriang pusakal sina Senate President Pro-Tempore Senator Panfilo Lacson, Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at maging si Senate President Vicente “Tito” Sotto III dahil posible raw bumoto para sa conviction ni VP Sara.
Hindi ito pinalagpas ni Lacson at tinawag pa nga niyang “Ungas” si Panelo sa ginagawang pahayag at mistulang pinangaralan pa niya ang abogado nang sabihing gagawin ng mga senador ang kanilang trabaho batay sa mga katotohanan na maihahayag sa korte.
Ibig sabihin, ibabatay ng mga senador sa ebidensiya ang kanilang pagpataw ng hatol, convicted man o abswelto at hindi dahil sa pagkatao ng isang nililitis.
Maging si Sotto ay itinanggi ang pahayag ni Panelo at tinanong pa ang abogado kung mayroon daw ba siyang “bolang Kristal” para magbigay ng prediksyon,
Tungkulin nila, aniya, na maging patas sa isang impeachment trial kung saan sila magiging senator-judge at maghintay ng mga ebidensiya bago magpasiya.
Pero teka muna, bakit ang conviction lamang ang pinuna ni Panelo sa napipintong impeachment trial kay VP Sara at hindi ang pag-absuwelto?
Kung sabagay, batid naman ng lahat na dating Chief Presidential Counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Panelo kaya ang mga inaakala lang niyang boboto para ma-convict si VP Sara ang kanyang binabanatan.
Paano naman yung mga senador na hayagan kung i-abswelto si Duterte sa impeachment kahit hindi pa nagsisimula ang paglilitis at siguradong alam din ni Panelo kung sino ang mga ito.
Ang nangyari tuloy, katakot-takot na masasamang komento ang natanggap ni Panelo sa kanyang pahayag na ang ilan ay talaga namang hindi masikmura. Kung binansagang “lizard” ng mambabatas ang abogado, ang mga netizen, tinagurian siyang “linta”.






