MANILA, Philippines – Apat na indibidwal, kabilang ang isang Australian national, ang inaresto ng Las Piñas City police dahil sa ilegal na pag-okupa ng isang pribadong ari-arian sa lungsod.
Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Ricky Neron ang mga nadakip na suspek na sina alyas Israel, 49, Australian national; alyas Alberto, 58; alyas Lowie, 56; at isang alyas Jeffrey, 38.
Isa pang suspek na kinilalang si alyas Art ay nakatakas na ngayon ay kasalukuyang tinutugis sa ikinasang police manhunt.
Ayon kay Neron, naganap ang pagdakip sa mga suspek dakong alas 8:30 ng umaga sa isang pribadong ari-arian na pagmamay-ari ng 91-taong-gulang na biktima sa Veraville Drive, Las Piñas City.
Base sa isinagawang imbestigasyon, dumating sa lugar ang mga suspek at binantaan ang stay-in na katiwala ng biktima kung saan inutusan itong lisanin nag bahay.
Nagbigay pa umano ang mga suspek sa caretaker ng biktima ng P10,000 bilang kanyang pamasahe at pwersahan itong pinapaalis sa lugar.
Sinunod naman ng nabanggit na caretaker ang utos sa kanya ng mga suspek subalit dumiretso ito sa kanyang amo na siya namang inutusan ang kanyang awtorisadong representante na magsumbong sa pulisya at magsampa ng reklamo laban sa mga suspek.
Agad namang nagtungo ang mga tauhan ng Pamplona Substation sa nabanggit na ari-arian kung saan inabutan nila ang mga suspek na inookupa ang ari-arian na walang pahintulot sa may-ari.
Nagkaroon naman ng pag-uusap sa pagitan ng mga rumespondeng kapulisan at mga suspek na lisanin ng huli ang lugar ngunit nagmatigas ang mga ito na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.
Kasalukuyang nakapiit sa Las Piñas City police custodial facility ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong grave coercion sa ilalim ng Article 286 at resistance and disobedience to a person in authority or its agents na nakapailalim naman sa Article 151 ng Revised Penal Code sa Las Piñas City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan