Home NATIONWIDE Seguridad paiigtingin ng Pasay police, SPD sa White Ribbon March

Seguridad paiigtingin ng Pasay police, SPD sa White Ribbon March

3
0

MANILA, Philippines – Isinapinal na ng Southern Police District (SPD) at ng Pasay City police ang paglalatag ng preparasyon para sa seguridad ng mga makikibahagi at dadalo sa nakatakdang White Ribbon March na magaganap bukas, Hunyo 28.

Ito ay napag-alaman kay Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto na nagsabing kanilang tinitiyak ang mapayapa at maayos na pagsasagawa ng naturang pagtitipon na nananawgan ng accountability at reporma sa gobyerno.

Ayon kay De Sesto, itatalaga niya ang kanyang mga tauhan sa mga lugar na maaaring pagmulan ng panggugulo upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan, masiguro ang seguridad ng publiko, gayundin ang pananatili ng maayos na daloy ng trapiko.

Pinaalalahanan din ni De Sesto ang kanyang mga opisyal na pagpapatupad ng maximum tolerance, pagiging propesyunal, at pagrespeto sa human rights habang pinangangalagaan ang karapatang konstitusyonal ng mga Pilipino sa pagsasagawa ng tahimik na pagtitipon sa paglalabas ng kanilang pananaw.

Dagdag pa ni De Sesto, ang pagdaragdag ng police visibility, real-time monitoring, at pagbuo ng specialized response teams ay nakatakda ring ipapatupad upang magbigaya ng proteksyon sa mga magsisidalong motorista residente at general public.

Kaugnay nito ay inihayag naman ni SPD director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco ang kanyang pagtatalaga ng nasa 2,493 police personnel upang makatulong sa pagse-secure ng naturang pagtitipon.

Sinabi ni Cinco na ang deployment ng mga kapulisan ay para sa mga key security operations kabilang ang Senate of the Philippines, anti-criminality patrols, border control points, at observation posts.

Ani pa Cinco, ang nabanggit na operasyon ay isasagawa sa pakikipagkoordinasyon sa mga local government units (LGUs) at ka-partner na ahensya para masiguro ang episyenteng traffic management, emergency response gayundin ang public safety services.

Ayon pa kay Cinco, kabilang sa security measures ang pagpapaigting ng police visibility sa lugar, real-time monitoring sa pamamagitan ng CCTV systems at drone assets, pati na rin ang paglalagay sa posisyon ng mga specialized response teams na agad na makatutugon sa anumang hindi inaasahang pangyayari.

Nagbigay din ng garantiya si Cinco sa mga residente na ang lahat ng plano sa operasyon ay nakapokus lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan, pagpigil sa anumang kriminal na aktibidad, at magkaroon ng ligtas na kapaligiran sa kabuuang pagsasagawa ng naturang pagtitipon. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here