MANILA, Philippines – PUNTO POR PUNTONG sinagot ng kampo ni Vice-President Sara Duterte ang bawat alegasyon sa articles of impeachment laban sa kanya.
Sa isinumiteng sagot ng depensa, sinabi nitong protektado ng karapatan sa malayang pamamahayag ang mga naging pahayag ng Bise Presidente at wala umanong patunay na may plano siyang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Pagpapakita rin ito ayon sa kampo ni VP Sara ng pagkontra sa mga polisiya ng administrasyong Marcos.
Sinasabing protektado ng Saligang Batas hindi lamang ang mga pahayag na magandang pakinggan kundi maging iyong nakasasakit, nakagugulat o nakababahala.
Sinasabi pa na walang naipakitang pruweba na may kinontratang assassin para patayin ang Pangulo, Unang Ginang at dating Speaker.
Binigyang diin ni VP Sara na walang pagbabanta dahil sinagot lamang niya ang tanong ng reporter ukol sa di umano’y operasyon laban sa pamilya Duterte.
Ukol naman sa alegasyon na hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawang Duterte lalo pa’t P30,000,000.00 lamang kanilang kita subalit tumaas ang kanilang net worth ng P80,000,000.00, na sinasabing hindi rin inilahad ni VP Sara sa kanyang Statement of Assets,. Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ang tugon ni VP Sara ay walang ebidensiyang isinumite para patunayan ito. Hindi rin impeachable officer ang kanyang asawa at malinaw na isinama lamang ang kita nito sa kita ng bise-presidente para palobohin ang kanyang income at palabasing kaduda-duda ito kahit hindi naman.
Sa kabilang dako, sa alegasyon na may 6.7 bilyong piso ang transaksyon sa account ng mag-asawa Duterte mula 2007 hanggang 2024, aniya’y labag sa batas na isapubliko ang report na ito ng Anti-Money Laundering Council at hindi ito dapat ginagamit. Lalabanan aniya nila ito sa tamang panahon.
Pinabulaanan din ng kampo ni VP Sara ang alegasyon ng maling paggamit ng mahigit P600 milyong confidential funds, at iginiit na walang ebidensyang nagpapakitang napunta ang pondo sa personal na kapakinabangan ng Bise Presidente.
Samantala, hiniling ng kampo ni Duterte sa impeachment court na ibasura ang mga artikulo ng impeachment dahil umano sa kabiguang matugunan ang mga itinakdang rekisito ng Konstitusyon para sa isang impeachment proceeding. KRIS JOSE