Home NATIONWIDE Pananaksak sa paaralan sa QC pinabulaanan

Pananaksak sa paaralan sa QC pinabulaanan

1
0

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng pamunuan ng President Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City ang mga balita sa social media na nagkaroon umano ng insidente ng pananaksak sa loob ng naturang paaralan.

Anila, ang naiulat na nasaktan ay dahil sa nangyaring suntukan sa pagitan ng dalawang estudyante.

Ayon sa school principal na si Dr. Gerry Isip, walang nangyaring pananaksak at sinabing ang isa sa mga estudyante na nagkaroon ng head injury ay matapos matamaan ng relo ng isa pang estudyante sa nangyaring suntukan nitong Biyernes ng umaga, Hunyo 26.

“Wala pong stabbing incident na nangyari. Away bata lang po, natapat na pagsuntok ng isang bata, na may relo, yun ang nadaplisan, kaya dumugo ang ulo,” aniya.

Sinabi ni Isip na ang dalawang estudyante ay nasa maayos nang kondisyon at hindi rin naghain ng reklamo ang mga magulang.

“Okay naman po sila, pati ang mga magulang parehong wala naman pong reklamo. Nung nangyari yung incident, dinala namin agad sa hospital para malapatan ng paunang lunas,” dagdag pa.

“Wala pong nangyaring pagpapasara ng gate, kasi that time may klase eh, expected po talagang sarado ang gate. Kasi nga pagpasok ng bata ay alas sais, ang paglabas ay alas dose.”

Dahil dito ay hinimok ni Isip ang publik na beripikahin muna ang mga impormasyon bago ito i-share online.

“Sa ating mga magulang na nagpapakalat sa social media, mag-ingat po kayo kasi wala pong katotohanan at puro fake news lang po ang sinasabi ninyo. Sana alamin po muna ninyo kung may katotohanan ba yan o wala.”

“Okay naman po sila, magkasundo na nga po eh, nagngingitian na. Away bata lang po talaga,” pagpapatuloy ni Isip.

Siniguro naman ang mahigpit na seguridad sa paaralan.

“Mahigpit po ang ating security, kasama ang ating mga barangay at mga pulis hindi po tayo pinababayaan ng Station 6,” ani Isip. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here