MANILA, Philippines – Dinakip ng mga operatiba ng Inter-Agency Drugs Interdiction Task Group (IADITG) ang isang Australian national matapos ang tangkang pagpuslit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ng apat na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P27,000,000 noong Huwebes ng gabi, Pebrero 19.
Kinilala ng IADITG ang inarestong suspek na si Leon De Long, 63, isang international trader.
Base sa inisyal na report ng IADITG, naganap ang pag-aresto sa suspek bandang alas-7:15 ng gabi sa Customs Exclusion Room, Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City.
Si De Long ay pasahero ng lumapag na eroplano sa NAIA lulan ng Cathay Pacific Airways CX 748 mula Johannesburg, South Africa, na mayroong connecting flight patungong Hong Kong via Cathay Pacific Airways Flight CX 919.
Sa isinagawang inspeksyon sa kulay itim na Samsonite backpack ng suspek, nadiskubre ang dalawang improvised wooden box na binalutan ng colored paper kung saan nakapaloob ang dalawang transparent plastic bag na binalot ng carbon paper na naglalaman ng 4,008 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P27,254,400.
Kasama ng kinumpiskang shabu sa backpack ng suspek ang isang notebook; isang set ng susi; pares ng shades; calculator; 225 barya ng Australian currency; charger; at bundle ng papel.
Nasamsam din sa kulay itim na maletang Samsonite ng suspek ang kanyang Australian passport; bundle ng kanyang boarding passes; Samsung cellular phone; thermal jacket; dalawang pares ng sapatos; isang bundle ng damit; at ang Hedgren belt bag na naglalaman ng wallet; driver’s license; health card; apat na bank card; iba’t ibang uri ng foreign currency; at boat operator license.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination, habang kasalukuyang nakapiit sa PDEA custodial facility ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Ang IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO NCR; Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan)