MANILA, Philippines – Ipinakilala ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) ang automated parking system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa mga pasahero at bumibisita sa nasabing paliparan.
Ipinakilala ang bagong sistema sa Terminal 3 nitong Sabado, Marso 1. Nakatakda namang palawigin ang serbisyong ito sa Terminal 1 at 2 sa Marso 14, 2025.
Dagdag pa, ilalagay din ang real-time parking slot displays sa Terminal 3 sa susunod na buwan at sa Terminal 1, at 2 sa buwan ng Mayo.
Sa paraang ito ay malalaman na agad ng drayber ang available na slot bago pumasok sa parking.
Sa kasalukuyan, cash pa lamang ang tinatanggap na uri ng bayad, ngunit pagsapit ng Marso 14, 2025 ay maaari nang tumanggap ang automated system ng bayad sa pamamagitan ng GCash, PayMaya, debit, at credit card.
Inaasahang mababawasan ang oras ng paghihintay at daloy ng trapiko sa automated system kung saan ang mga drayber ay maaari nang pumasok sa ‘unmanned entrances,’ at makatatanggap ng automated ticket. Makakalabas naman ang mga ito sa pamamagitan ng QR code-based system.
Pagsapit ng Hulyo 2025, magiging operational na sa lahat ng terminal ang autopay stations na mas magpapabilis pa sa transaksyon.
Ang bagong parking system na ito ay bahagi ng hakbang ng NNIC sa modernisasyon ng NAIA at mapabuti ang serbisyo sa lahat ng airport users. RNT/JGC