MANILA, Philippines – PAG-AARALANG mabuti ng Presidential Communications Office (PCO) ang posibilidad na magtatag ng isang regulatory body para i- monitor at suriin ang social media content sa layuning tugunan ang lumalagong problema ng fake news.
Sinabi ni PCO Acting Secretary Jay Ruiz na nagpapatuloy na ang pag-uusap kaugnay sa potensiyal na paglikha ng isang social media regulatory body.
“Pinag-aaralan natin ‘yan na sana magkaroon kahit papano lalo na sa mabibigat na issues. As I’ve said, a lie told a thousand times trounces the truth,” ang sinabi ni Ruiz.
Inihalintulad naman ni Ruiz ang regulasyon ng social media sa regulasyon ng traditional media, partikular na tinukoy ang papel ng Movie and Television Review and Classification Board na nangangasiwa sa films at television broadcasts.
Binigyang diin ni Ruiz na nakatuon ang pansin ng pamahalaan sa paglaban sa fake news
Aniya pa, maaari itong mag-resort sa legal remedies kapag ang fake news at disinformation ay nakapagdulot ng pagbabanta sa national security.
“Ang punto lang dito, kung vloggerka, social media influencer tanggap mo dapat ang responsibilidad, your responsibility to the public,” aniya pa rin.
Samantala, para naman kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, sinabi nito na dapat makipag-ugnayan at makipagtulungan din ang PCO sa mga mambabatas ng mababang Kapulungan ng Kongreso dahil ang mga ito naman aniya ang gagawa ng batas ukol dito.
Winika ni Castro na kanilang palagay ay napapanahon ang paglikha ng social media regulatory body dahil “tayo po sa mainstream media, tayo po ay sakop at nari-regulate po ng MTRCB; kung tayo po ay miyembro ng KBP, mayroon pa rin po tayong KBP.”
Sa tingin aniya niya ang pagkakaroon ng regulatory body, hiwalay na regulatory body para sa social media ay napapanahon din para maiwasan ang mga pang-aabuso.
“Hindi po natin pipigilan iyong mga opinyon na naaayon naman po sa batas, kumbaga, opinyon na lehitimo; kung ito man ay kritisismo, iyan po ay dapat lang na irespeto. Pero iba po kasi iyong sinasabi natin na paninira nang walang basehan at kung ginagamit man po itong mga troll army sa paninira, ibang usapin po iyon. Dahil kung mayroon man pong troll army pero ang adbokasiya nila ay magpalabas at mag-share ng tamang balita, hindi po iyan pipigilan. Ang pipigilan lang po natin ay maabuso dahil po kapag po naabuso ito, mayroon po itong effect sa taong maaaring siraan, maaaring ang mga organisasyon, ahensiya na maaaring siraan na walang basehan, malaki pong impact ito lalo na kung paniniwalaan ng mga tao,” litaniya ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na mas maganda aniya na magkaroon ng regulatory body.
‘Iyon lang po ang aming suhestiyon – matuloy po sana at magkaroon talaga ng regulatory body para din po malaman natin ang bawat isa kung content creator ito, vlogger, blogger, malaman din po natin iyong identity at hindi sila nagtatago sa mga dummy accounts. Ganoon po,” ang pahayag nito. Kris Jose