MANILA, Philippines- Ibinunyag ng Philippine National Police – Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang sanhi ng pagkamatay ng dalawang biktima sa banggaan ng sasakyan sa Ninoy International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.
Sa pahayag ng AVSEGROUP, kinumpirma ng resulta sa isinagawang autopsy sa 29-anyos na biktima na namatay ito dahil sa blunt force trauma sa ulo at spinal cord kung saan ang kanyang mga labi ay kasalukuyang nasa Hagonoy, Bulacan para sa kanyang funeral wake.
Habang ang menor-de-edad ay namatay din dahil sa blunt force trauma sa ulo at kaliwang lower extremities at kasalukuyang nakaburol sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa AVSEGROUP, noong Linggo ay isang SUV na minamaneho ng isang 47-anyos na lalaki mula Batangas ang bumangga sa Departure West Curbside Area ng NAIA Terminal 1 na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa katao at ilang sugatan. Nabatid na dalawa sa mga nasugatan ay nasa maayos nang kundisyon habang ang dalawa ay nakalabas na ng pagamutan.
Inaresto naman ng mga tauhan ng NAIA Police Station 1 ang driver ng SUV sa pinangyarihang insidente.
Nabatid na isinailalim sa pagsusuri ang naarestong driver kung saan nagnegatibo naman ito sa ilegal na droga at alkohol.
Ang suspek, na nakakulong sa Mobile Patrol Security Unit Detention Facility, ay nahaharap sa kasong kriminal dahil sa reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property sa ilalim ng Revised Penal Code.
“AVSEGROUP assures the public that justice will be pursued with the full extent of the law. We remain steadfast in our commitment to safeguarding lives and maintaining peace and order within airport premises,” pahayag ng AVSEGROUP.
Humihingi naman ng hustisya ang ama ng menor-de-edad na namatay sa insidente. Sinabi ni Danmark Masongsong, isang overseas Filipino worker, na hindi pa rin siya makapaniwala na wala na si Malia, ang kanyang apat na taong gulang na anak na babae.
Ang isa pang nasawi, na kinilala bilang 29-anyos na si Dearick Faustino, ay nasa NAIA noong Linggo kung saan siya dapat maglakbay sa Dubai para sa isang business trip.
Ang kanyang alagang aso na si Blue ay nanatili sa tabi ng kabaong ng kanyang amo sa Hagonoy, Bulacan. JR Reyes