MANILA, Philippines- Naglabas ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) Committee on Kontra Bigay (CKB) laban kay Laguna 2nd District congressional candidate Ramil Hernandez at kanyang maybahay na si Laguna gubernatorial candidate Ruth Mariano Hernandez sa umano’y vote-buying at abuse of state resources.
Nilagdaan ni CKB head Atty. Teopisto Elnas Jr., ang SCO na may petsang Mayo 5, 2025 at ibinigay sa mga miyembro ng media noong Martes, Mayo 6.
Inatasan umano ng mag-asawang Hernandez ang ilang indibidwal na tumuloy sa isang opisina kung saan ipamimigay sa kanila ang mga health card at yellow paper na kailangan nilang iharap para makatanggap ng P2,000.
Binigyan ng CKB ng hindi lalampas sa tatlong araw ang mag-asawa mula sa pagtanggap nila ng SCO para ipaliwanag ang kanilang panig.
Noong Martes din, hiniling ng CKB kay Marikina Mayor at kandidato sa Kongreso na si Marcy Teodoro at ang kanyang asawang mayoral bet na si Maan na ipaliwanag ang mga alegasyon ng pagpili ng boto at abuse of state resources.
Sa magkahiwalay na mga SCO, humingi ng paliwanag ang Task Force SAFE kina Caloocan congressional bet Edgar “Egay” Erice, Nueva Ecija 5th District congressional bet Mario Salvador, at Barbaza Antique mayoral candidate Faith Francisco.
Sinabi ng Comelec task force, ang kabiguan sa bahagi ng mga kandidatong ito na sumunod sa utos nito ay dapat ipakahulugan na isang waiver sa kanilang mga karapatang dinggin ang pagsasampa ng naaangkop na mga kaso laban sa kanila. Jocelyn Tabangcura-Domenden