SINABI ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nag-improve o bumuti ang household earnings sa lahat ng rehiyon noong 2023.
Sa katunayan, sa national level, ang average income para sa pamilyang Filipino ay umabot na sa P353,230, lumalabas na P29,435 kada buwan.
Ang pigura na ito ay sumasalamin sa 15% na pagtaas kumpara sa P307,190 noong 2021 at lumampas sa pre-pandemic income na P313,450 na naitala noong 2018.
Sinasabing sa 18 rehiyon, ang Kalakhang Maynila ang naiulat na mayroong ‘highest average family income’ na P513,520, isang mahalagang pagtaas na 22.9% mula sa P417,850 noong 2021. Sumunod naman ang Region IV-A (Calabarzon) na mayroong average income na P426,530, isang 18% na pagtaas mula sa P361,030.
Samantala, ang Bangsamoro Autonomous Region ay mayroong pinakamababang annual family income na P206,880, bagama’t ito’y tumaas mula sa P168,910 noong 2021. Kris Jose