Home NATIONWIDE Gusot sa PUVMP, paplantsahin ng Senado – Escudero

Gusot sa PUVMP, paplantsahin ng Senado – Escudero

Magkakaroon ng sapat na panahon ang Senado sa suspensiyon na plantsahin ang gusot sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) kabilang ang pag-aayos, adjustment at masalimuot ng consolidation ng drayber at operator, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Inihayag ito ni Escudero matapos makipagpulong sa itinuturing na “magnificent 7” na kumakatawan sa 83% ng transport sector na pabor sa PUVMP upang dinggin ang kanilang hinaing at suhestiyon sa programa.

Tiniyak din ni Escudero na kanyang pupulungin din ang nalalabing 17 porsiyento na tumututol sa programa.

“Meron mga problema natalakay kami at susubukan naming hanapan ng solusyon at paraan yun para mas naging swabe pa ang implementasyon ng programa,” ayon kay Escudero.

Kabilang sa problemang kinahaharap ng transport sector ang route plan na hindi pa naisusumite, ayon kay Escudero.

“Hindi pa nasa pinal ng DOTr yung bayad doon sa mga lumang jeep na pang ambag sana nila sa down payment doon sa modern jeepeny,” ani Escudero.

Sinabi pa ng senador na kasalukuyang sinusuri at pinag-aaralan ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang financing mula sa gobyerno at private banks upang maging abot-kaya ang buwanang bayad sa modernized jeepneys.

Umabot sa 22 senador ang lumagda sa resolusyon na nanawagan ng suspensiyon ng PUVMP upang plantsahin ang gusot na idinadaing ng transportation groups.

Naunang inihayag ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Andy Ortega, sa pagtatapos ng Abril 30 ang deadline, kaya mahigit 83% ng PUV operators ang nagsanib sa isang kooperatiba o korporasyon. Ernie Reyes