Home NATIONWIDE Senate probe vs expired ASF vax ikinasa ni Lapid: ‘DA official mananagot’

Senate probe vs expired ASF vax ikinasa ni Lapid: ‘DA official mananagot’

Tiniyak ni Senador Lito Lapid na mananagot ang sinumang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na sangkot sa pagkasira ng biniling bakuna ng pamahalaan upang makontrol ang pagkakalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Lapid na nakatakda itong maghain ng isang panukalang resolusyon upang atasan ang Senate committee on agriculture na iimbestigahan ang pagpapabaya sa kaya nasayang ang ASF vaccine.

“Dapat malaman mula sa Department of Agriculture kung bakit napabayaan lang na mag-expire ang ASF vaccines na dapat sana ay naipamahagi na at nakapigil sa pagkalat pa ng virus sa mga alagang baboy sa iba’t-ibang probinsya,” aniya.

Isinulong ni Lapid ang imbestigasyon matapos magkaroon ng epidemya ng ASF sa lalawigan ng Batangas at Occidental Mindoro na apektado ang hog raisers industry, suplay ng baboy at halaga nito sa merkado.

“Dapat matukoy kung sinong opisyal ng DA ang dapat mapanagot sa pagkasira ng bakuna na binili sa ibang bansa,” ani Lapid.

Bagama’t sinabi ni Agriculture Secretary Fracisco Tiu Laurel na walang pangangailangan na magdeklara ng state of national calamity dulot ng epidemya, iginiit naman ni Lapid na dapat matiyak pa rin ang suplay ng mga baboy sa merkado dahil sa papalapit na ang kapaskuhan kung saan mataas ang demand nito.

Hinimok ni Lapid ang pamahalaan na maglaan ng dagdag na pondo ang pambili ng ASF vaccines saka agad ipamahagi sa lugar na kailangan ng kagyat na tulong upang mapuksa ang epidemya sa bansa.

“Nangangamba po tayo na kung hindi agad maagapan ang ASF epidemic ay tiyak na kakalat pa ito sa ibang lugar at inaasahan na magkakaroon ng krisis sa suplay ng baboy sa bansa,” dagdag ni Lapid, miyembro ng Senate Committee on Agriculture and Food. Ernie Reyes