MANILA, Philippines – SINABI ni Finance Secretary Ralph Recto na hindi ginamit ang pondo ng PhilHealth para bayaran ang mga bakuna at allowance ng mga health workers sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Nagpalabas si Recto ng kalatas matapos na muli siyang kuwestiyunin sa isinagawang Development Budget Coordination Committee’s (DBCC) briefing sa Senado ukol sa Memorandum Circular na ipinalabas ng Department of Finance (DOF) kung saan ipinag-utos sa PhilHealth na ibalik ang P89 billion ‘idle funds’ sa national treasury.
Nauna rito, sinabi ng Kalihim na “unlocking excess fund balances does not impact the viability of participating corporations and their delivery of services, and that this complies with the General Appropriations Act of 2024.”
Sinabi pa rin niya na lumalago ang kita ng PhilHealth. Sa katunayan, P4 billion noong 2019; P30 billion noong 2020; P48 billion noong 2021; at P79 billion noong 2022.
Sa pagtatapos ng 2024, sinabi ni Recto na ang PhilHealth ay magkakaroon ng net income na P61 billion.
Sa pagiging matatag na pagtaas ng kita ng PhilHealth, sinabi naman ni Senator Grace Poe, finance committee head, na ang PhilHealth “should now shoulder the remaining payables of the government” sa mga health workers sa panahon ng COVID-19 pandemic.
“Dapat tawagin din ang PhilHealth. Ang dami nilang utang, yung mga hindi nila nababayaran na mga emergency workers, bakit di nila ginamit yung pera na ‘yun,” ayon kay Poe.
“Kinukuha na natin sa PhilHealth ngayon ang dapat napunta na sa ating health workers noon pa,” aniya pa rin.
Giit din ni Recto na hindi ginamit ang PhilHealth funds sa emergency allowance ng mga frontliners.
“It is not the obligation of PhilHealth to pay the emergency allowances of our frontline workers. Their reserved funds were not spent during the pandemic,” ang sinabi ng Kalihim.
“Inako lahat ng government. PhilHealth did not spend on a single vaccine. Philhealth did not spend for a single frontline worker. That’s how it works,” aniya pa rin.
Winika ni Recto na ang PhilHealth’s emergency funds ay “should be precisely for something like a pandemic.”
At nang tanungin ni Poe kung bakit mas pinili ng nakaraang administrasyon na mangutang ng pera para bayaran ang medical frontliners sa halip na gamitin ang pondo ng PhilHealth, ang sagot ni Recto ay “it was their decision to borrow the money.” Kris Jose