MANILA, Philippines – Patay ang isang babaeng motorcycle rider matapos mag-counterflow at bumangga sa isang van sa J. Lopez Jaena Street, Barangay Subangdaku, Mandaue City nitong Sabado ng madaling araw, Agosto 16.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ritchel Marie Malinao Panonce, alyas “Chell,” residente ng Purok Ilang-Ilang, Brgy. Opao.
Batay sa ulat ng Traffic Enforcement Agency of Mandaue (TEAM), binabaybay ni Malinao ang northbound lane nang bigla itong pumasok sa kabilang lane at bumangga nang direkta sa paparating na van.
Minamaneho ang van ni Jeven Giltendez Desabelle, 31, company driver at residente ng Mabolo, Cebu City.
Sa lakas ng banggaan, pumailalim sa van ang motorsiklo at ang biktima.
Agad siyang isinugod ng mga responder sa Mandaue City Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Wasak ang motorsiklo ng biktima habang nagkapinsala rin ang harapang bahagi ng van.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng TEAM ang driver ng van at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. RNT/JGC