Home NATIONWIDE Pagpasa ng anti-EJK law ipinamamadali

Pagpasa ng anti-EJK law ipinamamadali

223
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si House Deputy Minority Leader and Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima ng hustisya sa lahat ng biktima ng extrajudicial killings (EJKs) kasabay ng panawagan ng agarang pagpasa ng panukala na naglalayong magbigay ng depinisyon at magparusa sa mga EJK at kahalintulad na gawain.

Nag-isyu si De Lima ng pahayag sa ikawalong anibersaryo ng pagpatay kay Kian delos Santos na itinumba noong Agosto 16, 2017 sa operasyon ng Caloocan City police kontra sa illegal na droga.

“Ngayong araw, ginugunita natin ang pagpaslang ng mga miyembro ng kapulisan sa 17-taong gulang na si Kian delos Santos — isang karumal-dumal na krimen na lalong nagsiwalat at nagmulat sa marami nating kababayan ng karahasan, kapalpakan at kademonyohan ng war on drugs ng nakaraang administrasyon ni Duterte,” pahayag ni De Lima.

“Isa lang si Kian sa libo-libong pinatay nang walang kalaban-kalaban. Libo-libo pa ang pinatay at nadamay, kasama ang kanilang mga pamilyang naulila at naghihintay pa rin ng hustisya.”

Muling ring ipinanawagan ni De Lima ang mabilisang pagpasa ng House Bill (HB) No. 1432 o Anti-Extrajudicial Killing Act.

Ang panukala ay nagbibigay mandato sa paglikha ng Inter-Agency Council Against Extrajudicial Killings (Anti-EJK Council) upang magkaroon ng programa at hakbang nav magsisigurong mabibigyan ng hustisya at mapananagot ang state at non-state actors na gumawa ng EJK.

Parusang habambuhay na pagkakulong at walang parole ang ipapataw sa opisyal, person in authority, agent of a person in authority, o pribadong indibidwal na mapag-aalamang guilty ng EJK.

“EJK is a clear and present phenomenon of the times, boldly challenging our constitutionally protected human right against the taking of life, and a transgression of due process and the presumption of innocence of criminal suspects. EJK remains a grave threat that demands our most urgent effort through legislation,” sinabi ni De Lima.

“Panagutin ang pasimuno at ang lahat ng kasabwat sa pamamaslang, lalo na sa mga inosenteng bata at sibilyan,” dagdag pa niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here