MANILA, Philippines – Kasabay ng imbestigasyon sa insidente ng pang-aabuso sa mga bata sa isang care facility sa Pampanga, siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na ang mga field office nito ay mahigpit na imomonitor ang mga private care facility sa buong bansa upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente nito.
“’Yung mga residential care facilities, we visit them once a semester, so that’s twice a year. Aside from that, we also have spot monitoring. And with everything happening right now, binigyan na rin namin ng instructions in general yung mga staff [sa field offices] na kapag nag-momonitor kayo, dapat ma-igi ‘yung pagmomonitor ninyo ng case management, masinsin,” sinabi ni Director Megan Manahan sa panayam sa radyo nitong weekend.
Ipinaliwanag ni Manahan na ang DSWD ay nagtalaga ng mga FO para imonitor ang pagtugon ng private care facilities batay sa regulatory at standard-setting function ng ahensya.
Hawak naman ng central office ang responsibilidad sa pagproseso at pagbibigay ng certificates for registration, license to operate, at accreditation ng social welfare and development agencies sa pamamagitan ng HELPS (Harmonized Electronic License and Permit System) online portal.
Sa ganitong setup, sinabi ni Manahan na ang mga FO ay makakapag-focus sa pagmonitor sa pagsunod ng mga pasilidad dahil sa lapit nito sa mga care facilities.
Kabilang sa mga standard na iniinspeksyon ng mga social worker ng DSWD ay ang physical safety, financial management, staffing at case management.
“With regard to residential care facilities, ang focus nyan is case management. Ibig sabihin nito kailangan iniinterview ‘yung mga bata, nag-fofocus group discussion para malaman kung ano ‘yung na-experience nila sa residential care facility, kung mabuti ba or may mga saloobin ba sila rito sa pag-aalaga sa kanila,” sinabi ni Manahan.
Matatandaan na noong Miyerkules ay inaresto ng Women and Children’s Protection Desk ng Pampanga police at DSWD FO-Central Luzzon si Jeremy Ferguson, director ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga, Inc., sa umano’y paglabag sa Republic Act 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ang pag-aresto ay kasunod ng ulat na ang mga bata sa kanilang kustodiya ay nakararanas ng physical abuse, verbal abuse, psychological abuse, presence of fire hazards, mismanagement of funds, at hindi pagtugon sa DSWD Registration, License to Operate and Accreditation standards. RNT/JGC