Home NATIONWIDE Sindikatong namemeke ng kasong rape sa Subic para makakotong, nabunyag

Sindikatong namemeke ng kasong rape sa Subic para makakotong, nabunyag

276
0

MANILA, Philippines – Nabunyag ang isang sindikato na gumagawa ng pekeng kaso ng rape laban sa mayayamang negosyante para makapangikil ng milyon-milyong halaga ng salapi matapos makatakas sa kanilang kustodiya ang isang babaeng menor-de-edad na kanilang pilit na ginamit bilang umano’y “rape victim”.

Ang “sindikato” na kumikilos sa Olongapo City, lalo na sa Subic sa Zambales ay kinabibilangan ng isang dating judge, prosecutor, dalawang opisyal ng SBMA, mga pulis, hoodlum at social media vlogger — isang grupong “kumpleto rekados” para sa kanilang planado at kalkuladong pananakot sa bibiktimahin.

Paboritong target ng sindikato sa pagsasampa ng pekeng kasong rape ay mga dayuhan at mayayamang locator sa loob ng Subic na alam nilang hindi tatanggi kapag kanilang kinikilan ng milyon-milyong salapi.

Gayunman, nabulilyaso ang inaakala nilang “swak na sa banga” na huling pekeng kasong rape na kanilang ikinasa laban sa isang negosyante nang makaeskapo ang dalagitang ginamit nila upang magpanggap na biktima ng panghahalay.

Kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), magsasampa ng patong-patong na kaso ang 17-anyos na biktimang itinago sa pangalang “Jopay” laban sa grupo ng sindikato na halos limang buwan siyang idinetine, sinaktan at tinakot na papatayin maging ang kanyang magulang kung hindi susunod sa kanilang gusto.

Ayon kay Jopay, kinidnap at ginawa siyang hostage ng sindikato saka pinapirma sa isang rape complaint affidavit laban sa negosyante.

Bukod dito, ginawan din siya ng video ng isang media vlogger na in-upload sa Youtube kung saan ay tinuruan siyang mag-imbento ng kuwento ng umano’y pang-aabuso na ginawa sa kanya.

Binura rin ang video sa Youtube kalaunan ngunit pinadalhan ng kopya ang negosyante para takutin at umareglo.

Inilabas din sa isang dyaryo ang umano’y rape at pinadalhan ng kopya ang negosyante upang lalong makalampag.

Ayon kay Jopay, P50 milyon ang hinihingi ng sindikato sa negosyante kapalit ng pagbawi niya sa kaso.

Subalit ani Jopay, walang katotohanan ang kasong rape dahil hindi naman niya personal na kakilala ang negosyante.

Sadya lang siyang pinilit na magsinungaling at tinakot ng grupo para magkapera ang mga ito.
Sinabi ni VACC chairman Atty Manuel Obidoza, Jr., dapat matuldukan ang modus ng nasabing sindikato dahil kawawa ang mga negosyanteng mabibiktima kahit wala namang kasalanan.

Tukoy na ang pangalan ng mga magkakasabwat sa sindikato at titiyakin nilang makakasuhan at maipakukulong ang mga ito para mabigyan ng hustisya si Jopay na lubhang na-trauma sa nangyari.

Ayon sa VACC, may nauna na ring locator sa SBMA na nabiktima ng ganitong modus at sinasabing bumigay sa hininging P20 milyon ng sindikato.

Aalamin ng VACC kung ang grupo ring ito ang nasa likod ng unang insidente. MARINA BERNARDINO-SY

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here