MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 54-anyos na babae na umawat sa away ng live-in partner nito at anak matapos masuntok sa batok ng una, sa Barangay Aplaya sa Santa Rosa, Laguna nitong Biyernes, Nobyembre 8.
Kinilala ang biktima na si Lita Moreno, ina, at may pitong anak.
Ayon kay Police Lt.Col. Benson Pimentel, hepe ng Santa Rosa City police, lasing ang 50-anyos na suspek na kalaunan ay nakaaway at nakasuntukan ang 19-anyos na anak ng biktima sa labas ng kanilang bahay.
Umawat ang biktima dahilan kaya ito ang nasuntok ng suspek.
Isinugod pa sa ospital ang nanay ngunit kalaunan ay namatay din.
“Agad niya ito ikinatumba at isinugod siya sa ospital dahil nagsusuka na siya. Pagdating sa community hospital, mga ilang oras pa siyang humihinga pero na-declare siyang dead matapos ang dalawang oras higit,” sinabi ni Pimentel sa panayam ng ABSCBN News.
“Doon na bumalik ang pamilya at anak na bunso at ate doon sa bahay at dinulog sa barangay tanod at inabutan pa ang suspek na natutulog,” dagdag nito.
Sa imbestigasyon, ilang beses nang inireklamo ang suspek dahil sa paninilip sa babaeng anak ng biktima kapag ito ay naliligo.
Aminado naman ang suspek na madalas nitong makaaway ang anak ng biktima.
Nakakulong na sa Santa Rosa Police Station ang suspek na mahaharap sa reklamong Homicide. RNT/JGC