MAKARAANG maglatag ng patakaran si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol sa panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon, 2026, nakaramdam ang pitak na ito ng matinding kaba.
Lalo na nang sabihin niyang pupwedeng mare-enact ang 2025 budget o ilapat muli ang umiiral ngayong badyet.
Diin ng Pangulo, dapat tumugma ang lahat ng nilalaman ng panukalang badyet sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon.
Kapag hindi mangyari ito, dito na pupwedeng isagawa ang re-enactment, sabi niya.
Dito malinaw na may mga kumakalikot sa panukalang badyet na orihinal na isinusumite ng Office of the President pagdating nito sa Kamara at Senado at kapag nasa kanyang harapan para pirmahan na, may mga bine-veto siya.
Nasa P194 bilyong isiningit na pondo sa 2025 ang vineto ng Pangulo.
Kung totoo naman ang sinasabi nina Senators Ping Lacson at Tito Sotto na may P142B isiningit at nakalusot sa mata ng Pangulo sa oras na pumirma siya, tanda rin ito ng katotohanan ng mga korapsyon at pandarambong.
Maliwanag na may P346B iskam o pork barrel diyan at malaki rin ang paniniwalang kinokorap o dinarambong din ang P350 bilyong anti-flood projects ngayong 2025.
Pero hindi lang ang mga ito ang kwestiyonable sa 2025 budget, mga brad.
Andyan ang P26B AKAP na saka lang pumasa sa Bicameral Conference Committee nang bigyan ng mga kongresman ang mga senador ng P5B bilang parte nila.
Hindi rin binigyan ang PhilHealth ng kahit sentimo na badyet at laman ito ng kasong pinagpapasyahan pa lang ng Korte Suprema.
Kung muling makita ng Pangulo na babuyin ng mga kongresman at senador ang panukalang 2026 budget at ire-reenact niya ang binaboy rin na 2025 budget, saan babuyan tayo pupulutin?






