Home METRO Bacolod nakapagtala ng unang kaso ng mpox

Bacolod nakapagtala ng unang kaso ng mpox

BACOLOD CITY – Kinumpirma ng City Health Office ang unang kaso ng monkeypox (Mpox) sa lungsod nitong Sabado, Hunyo 15.

Ayon kay Mayor Albee Benitez, nasa maayos na kalagayan ang pasyente na kasalukuyang naka-isolate at binibigyan ng tamang lunas.

Isinasagawa na rin ang contact tracing upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit.

Tiniyak ng alkalde na matagal nang may nakahandang hakbang ang lungsod para sa ganitong uri ng sitwasyon.

“Ang Mpox ay isang sakit na kayang gamutin kung susundin ang tamang health protocols,” ani Benitez.

“Hindi takot kundi tamang impormasyon ang kailangan.”

Pinaalalahanan din ng city government ang publiko na iwasan ang diskriminasyon at panghuhusga sa mga pasyente at kanilang pamilya, at panatilihin ang malasakit at pakikiisa.

Pinaalalahanan ang publiko na maging kalmado, sumunod sa health protocols, at agad magpakonsulta kung makaranas ng sintomas.

Pinaigting din ang border control sa Bredco Port at Bacolod-Silay Airport bunsod ng tumataas na kaso sa kalapit na Iloilo City. Mary Anne Sapico