MANILA, Philippines – INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes, ang Department of Education (DepEd) na iprayoridad ang probisyon ng mga pangunahing pangangailan partikular na ang kuryente, tubig at internet sa mga pampublikong eskuwelahan para maging maayos ang learning conditions kasabay ng opisyal na pagbubukas ng school year 2025-2026.
“’Yung kuryente, or making sure na may kuryente lahat, may tubig lahat. ‘Yun ang mga basic services na makikita natin para naman maging maayos ang pag-aaral ng mga ating kabataan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag matapos inspeksyunin ang isang eskuwelahan sa Malate, Maynila para sa muling pagbubukas ng klase.
Binigyang diin ng Pangulo ang isang all-agency approach sa ‘educational support.’
“Nabanggit ko sa ating mga guro na lahat ng departamento ng pamahalaan ay naka-converge dito, sama-samang nagtutulungan,” ang winika ng Pangulo.
Nagpalabas din ang Pangulo ng ‘specific instructions’ sa ilang departamento, gaya ng para sa trade at transportation departments na gawing mas mababa ang gastos ng mga magulang at estudyante; para naman sa health department ay tiyakin ang availability ng health facilities sa oras na ang isang bata ay nagkasakit o nasugatan; at para naman sa social welfare department na trabahuhin at tutukan ang cyberbullying at bullying incidents para protektahan ang mental health ng mga bata.
Sa kanyang naging pagbisita sa Epifanio Delos Santos Elementary School (EDSES), pinangunahan ni Pangulong Marcos ang isang interactive learning session kasama ang Grade 1 students, gumamit ng flashcards para i-promote ang ‘reading at active participation.’
Samantala, ipinaalam naman kay Pangulong Marcos ang kasalukuyang security measures ng mga eskuwelahan kabilang na ang paggamit ng CCTV monitoring. Kris Jose