Home NATIONWIDE Bato, Baste binatikos ng Malakanyang sa iresponsableng pagbabahagi ng AI video

Bato, Baste binatikos ng Malakanyang sa iresponsableng pagbabahagi ng AI video

MANILA, Philippines – BINATIKOS ng Malakanyang sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte para sa pagbabahagi ng AI (artificial intelligence)-generated video sa social media, tinawag ang kanilang aksyon bilang ‘iresponsable’ at nakasisira sa tiwala ng publiko.

Ang video, inilalarawan ang dalawang lalaking estudyante na nagpapaliwanag ng kanilang paghtutol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ay ipinahayag na artipisyal.

Sa kabila ng may label ito at may hashtag na #AI, maraming mga manonood ang naniwala na ito’y tunay kabilang na si del Rosa, na nag-repost nito na kaagad namang nakatikim naman ng kristisismo mula sa mga netizens.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang ginawang pagbabahagi ng fake content ng mga public official ay nagpapahina sa pagsisikap ng gobyerno na labanan ang disinformation.

“Ang pagsha-share ng mga katulad niyan — muli disinformation, fake news — hindi po sana nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan,” ang sinabi ni Castro.

“Nakakaduda, mas nakakawala ng tiwala kung mismong sa matataas na opisyal nanggagaling ang mga disinformation at fake news,” dagdag na pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na mabilis na kinorek ng publiko ang nasabing video at binigyang diin ang nagpapatuloy na pagsisikap ng administrasyon na labanan ang fake news.

“Mabuti po at ito ay nacorrect at napansin ng ating mga kababayan. Ang sabi nga po natin, kahit ang PCO, ang pamahalaan, gumagawa ng paraan para mapahinto ang fake news. Pero mas kakayanin po natin ito kapag po tayo ay tulung-tulong,” ang winika pa ni Castro.

Hinikayat naman ni Castro ang mga sangkot na opisyal na tanggapin ang kanilang pagkakamali at panagutan ang kanilang nagawang mali.

“Ngayon na ginawa nila, dapat lamang nilang i-acknowledge na ang pinasa nilang video ay hindi totoo at hindi tunay,” aniya pa rin.

At nang tanungin si Castro kung kinokonsidera ng Malakanyang na iresponsable ang ginawang ito ni Bato at Baste, ang sagot ni Castro ay: “Opo. Responsibilidad nila ‘to. Dahil ang bawat salita na binibitawan nila sa taumbayan, lider sila, yaan ay totoo sa pandinig at pananaw ng bawat isa. So dapat maging responsable sa anumang shine-share nila sa taumbayan.” Kris Jose