Home NATIONWIDE Badyet ng DSWD, DA sa 2027, inendorso sa plenaryo

Badyet ng DSWD, DA sa 2027, inendorso sa plenaryo

2
0

MANILA, Philippines — Inendorso na ng kani-kanilang Senate finance subcommittees para sa plenary deliberations ang panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA) matapos ang magkahiwalay na pagdinig nitong Miyerkules, Oktubre 21.

Inendorso ng Senate Finance Subcommittee E ang panukalang budget ng DSWD at attached at supervised agencies nito, habang inendorso naman ng Senate Finance Subcommittee G ang P198.4-bilyong budget ng DA at attached agencies at corporations para sa konsiderasyon ng plenaryo.

Sa DSWD hearing, binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros ang pangangailangang matiyak na napapanahon, wasto at sapat ang social protection at assistance programs para sa mga bulnerableng pamilya, lalo na sa gitna ng El Niño, pagtaas ng presyo at iba pang economic shocks.

Ani Hontiveros, kailangang palakasin ang adaptive social protection, social pension at kabuhayan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps habang isinasaalang-alang ang limitasyon sa pondo.

Samantala, sa pagtalakay sa DA budget, binigyang-diin ng mga senador ang pangangailangang tugunan ang epekto ng El Niño, kakulangan sa irigasyon at water storage, mataas na presyo ng farm inputs at epekto ng importasyon sa mga lokal na producer.

Nanawagan din si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na ikonsidera ang pagdedeklara ng state of national calamity dahil sa lumalalang epekto ng El Niño sa agrikultura.

Tiniyak naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na patuloy na bibigyang prayoridad ng DA ang irrigation at water impounding projects, post-harvest infrastructure at direktang suporta sa mga magsasaka at mangingisda upang mapalakas ang food security ng bansa.

Sa pagtatapos ng magkahiwalay na budget hearings, kapwa inendorso ng mga finance subcommittees ang panukalang pondo ng DSWD at DA para sa susunod na yugto ng deliberasyon sa plenaryo ng Senado. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here