Home HOME BANNER STORY P88-B lugi: DSWD kinuwestiyon ni Tulfo sa kawalang pagkilos vs pekeng PWDs

P88-B lugi: DSWD kinuwestiyon ni Tulfo sa kawalang pagkilos vs pekeng PWDs

2
0

MANILA, Philippines – Binusisi nina Sen. Raffy Tulfo at Sen. Risa Hontiveros ang panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development at attached agencies nito sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee E nitong, Oktubre 21, 2026.

Kinuwestiyon ni Tulfo ang National Council on Disability Affairs dahil sa kabiguang mapigilan ang pagkalat ng pekeng persons with disabilities identification cards.

Ibinase ni Tulfo sa ulat ng Department of Justice (DOJ) na 6 milyon sa 8 milyong naisyung PWD ID ay pawang peke.

Dahil dito, tinatayang P88 bilyon ang nawala sa tax revenues ng gobyerno at P166 bilyon naman ang nalugi sa mga negosyo lalo na sa mga restaurant dahil sa maling paggamit ng 20 porsyentong diskwento.

Ani Tulfo, nasaan ang NCDA na siyang ahensyang inatasang tiyakin ang maayos na implementasyon ng lahat ng batas para sa persons with disabilities.

Tinawag nitong incompetent ang ahensya at kinuwestiyon kung paano umabot sa 6 milyon ang pekeng ID, paano ito nakalusot, kung walang koordinasyon sa ibang ahensya at local government units, kung walang ngipin ang batas, at bakit hindi namonitor ang problemang nagsimula noong pandemya.

Iginiit ni Tulfo na layon niyang protektahan ang karapatan ng mga lehitimong PWD at matiyak na natatanggap nila ang benepisyong nakasaad sa batas.

Nagbabala siya na dahil sa talamak na bentahan ng pekeng ID ay nanganganib na maapektuhan ang diskwentong laan para sa mga tunay na may kapansanan kaya nanawagan siya ng mas mahigpit na monitoring at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at LGU, gayundin ng posibleng pagrerepaso sa mga umiiral na batas kaugnay ng PWD benefits.

Samantala, iginiit naman ni Hontiveros na dapat tiyakin ng DSWD na ang panukalang 2027 budget ay maghahatid ng napapanahon, wasto at sapat na tulong sa mga bulnerableng pamilya at dapat maabot sila ng gobyerno bago pa man sila umabot sa breaking point.

Binigyang-diin ni Hontiveros ang pangangailangang palakasin ang social protection programs kabilang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, social pension para sa indigent senior citizens, at Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.

Aniya, dapat ibigay ang tulong batay sa pangangailangan at hindi sa personal na koneksyon o referral.

Aniya, hindi sapat na sukatan ng budget kung magkano ang na-obligate ng DSWD dahil ang obligasyon ay hindi pa pagkain sa mesa, hindi pa gamot na nabili, hindi pa pensyong natanggap, hindi pa kabuhayang naibalik, at hindi pa tulong na nakarating sa pamilyang nasa krisis.

Ang tunay na sukatan aniya ay kung naabot ba ng gobyerno ang tao bago pa ito bumigay at kung natulungan ba itong maging mas matatag pagkatapos.

Bilang budget sponsor, kinilala niya ang pangangailangan ng social assistance habang nananatiling hindi kumpleto at kulang ang mas mataas na antas ng social protection gaya ng social insurance at social security.

Aniya, tatlong bagay lamang ang kailangang bantayan: timeliness o kung napapanahon ang tulong sa krisis, accuracy o kung tamang tao at tamang paraan ang pinagbigyan, at adequacy o kung sapat ba ang tulong para tunay na makatulong.

Nanawagan din si Hontiveros na palakasin ang kahandaan laban sa Super El NiƱo at iba pang climate-related disasters sa pamamagitan ng food assistance, emergency cash aid, cash-for-work at livelihood support para matulungan ang mga pamilya na makayanan ang krisis at mapatatag ang pangmatagalang resilience. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here