Home NATIONWIDE Badyet sa Palarong Pambansa 2024, tinapyasan ng halos P150M

Badyet sa Palarong Pambansa 2024, tinapyasan ng halos P150M

MANILA, Philippines – Opisyal nang tinapyasan ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia ang badyet para sa Palarong Pambansa 2024.

Ito ang inanunsyo ni Garcia sa press conference sa City Hall nitong Lunes, Hunyo 3.

Nasa P143 million ang ibabawas mula sa kabuuang P405 milyon na badyet. Ang matitirang budget nito ay P262 milyon na lamang.

“Maximum na gali ning P262 million kay inig abot anig purchase na gyud, naa may mo-bid og lower. Posible nga mas mo ubos pa gyud ni,” ani Garcia.

Ang pangunahing dahilan sa pagtapyas ng budget ay ang pagsasaprayoridad at pagsisiguro na gagastos lamang ang lokal na pamahalaan ng kung ano ang kinakailangan.

Apektado sa pagtatapyas ng badyet ay ang pondo para sa mga portalet, at extension ng grandstand sa Cebu City Sports Center (CCSC).

Binawasan din ni Garcia ang budget para sa side events sa P20 milyon, mula sa P60 milyon. Kasama rin dito ang LED na mula P135 milyon ay ginawang P50 milyon.

Sa ngayon ay hindi pa makakapagbigay si Garcia ng eksaktong breakdown ng budget dahil kailangan pang tignan kung magkano ang ibinawas mula sa annual budget at supplemental budget.

Matatandaan na inaprubahan ng konseho ang P200 milyong budget para sa Palarong Pambansa sa ilalim ng taunang budget para sa 2024. Kalaunan ay dinagdagan ito ng P205 milyon sa ilalim ng Supplemental Budget 1.

Noong Pebrero ay sinabi ni Councilor Noel Wenceslao, chairman ng committee on budget and finance, na pinirmahan ni suspended Mayor Michael Rama ang proposal na humihirit ng P205 milyong budget para sa Palarong Pambansa 2024 na gaganapin sa lungsod. RNT/JGC