MANILA, Philippines – Tinawag ng mga domestic shipowner na ‘game-changer’ sa sektor ng domestic shipping ang mga bagong inilabas na manning rules ng Maritime Industry Authority o MARINA.
Kasabay ng papuri, sinabi ni Teodoro Franco Omega ng Roble Shipping na sagot ng bagong memorandum circular ang matagal nang problema sa kakulangan at mabilis na pag-alis ng mga seafarer papuntang abroad. Sa ilalim ng panuntunan, tataas ang kasanayan at sahod ng mga tripulante.
Kabilang sa Revised Rules and Regulations on Minimum Safe Manning ang pag-ayon ng requirements sa uri ng barko at operasyon, minimum rest period, maximum working hours, at limang taong bisa ng Minimum Safe Manning Certificate.
Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, bunga ito ng masusing konsultasyon sa industriya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas episyente ang proseso nang hindi isinasakripisyo ang kaligtasan sa dagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden