Home METRO Bagong Benoni Port facility, magpapahusay sa konektibidad ng Camiguin – PBBM

Bagong Benoni Port facility, magpapahusay sa konektibidad ng Camiguin – PBBM

1
0

CAMIGUIN, Philippines – Tuloy ang mga programa ng administrasyong Marcos upang palakasin ang inter-island connectivity sa Northern Mindanao at Central Visayas.

Ngayong Lunes, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng bagong pasilidad sa Benoni Port sa Camiguin.

Ang Benoni Port Light Craft Landing Station ay nagkakahalaga ng PhP86.9 milyon na inaasahang magpapasigla sa turismo at magpapalawak ng mga oportunidad sa ekonomiya sa Northern Mindanao at Central Visayas.

Sinuri rin ng Pangulo ang PhP171.3 milyong Benoni Port Operations Building sa isinagawang programa.

“Ang inspeksyon natin ngayon sa bagong Port Operations Building at ang inagurasyon ng Light Craft Landing Station sa Benoni Port ay sumasalamin sa ating matatag na pangako,” ayon sa Pangulo.

“Ang proyektong ito ay lalo pang magpapalakas sa pangunahing ugnayang pang-transportasyon ng Camiguin, na nagdurugtong sa lalawigan sa Port of Jagna sa Bohol at sa Port of Balingoan sa Misamis Oriental,” ang tinuran pa rin ng Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na magsisilbi ang mga bagong pasilidad sa mga domestic vessel at sa pagdadala ng mga rolling cargo, gasolina, at iba pang mahahalagang produkto para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng lalawigan at palakasin din ang kanilang ekonomiya.

Ayon sa Punong Ehekutibo, pagsapit ng 2030, inaasahang aabot sa humigit-kumulang 955,327 ang bilang ng mga pasahero, habang lalampas naman sa 155,491 ang bilang ng mga sasakyang gagamit ng pantalan.

Bukod dito, magbibigay ang Light Craft Landing Station ng ligtas at masisilungang daungan para sa mga mangingisda sakaling may bagyo upang maidaong ang kanilang mga bangka, na makatutulong sa pagprotekta sa kanilang kabuhayan.

Ang Light Craft Landing Station ang kauna-unahang pasilidad para sa mga light craft sa Benoni Port kung saan may bago itong berthing facility, trestle, at dalawang palapag na landing station na magsisilbing hiwalay na lugar para sa operasyon ng mga light vessel.

Sa paghihiwalay ng operasyon ng mga light craft mula sa pangunahing pantalan, inaasahang magiging mas maayos ang paggalaw ng mga sasakyang-pandagat, mapapahusay ang kaligtasan sa paglalayag, mababawasan ang pagsisikip sa pantalan, at magbibigay ng mas ligtas at mas maginhawang biyahe para sa mga residente at mga bumibisita sa Camiguin.

Bukod sa Benoni Port, patuloy ding pinauunlad ng pamahalaan ang Port of Balbagon at ang Port of Guinsiliban upang higit pang mapalakas ang konektibidad at accessibility ng Camiguin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here