Home HOME BANNER STORY Bagong dengue vax aaprubahan na – Herbosa

Bagong dengue vax aaprubahan na – Herbosa

MANILA, Philippines – Kasunod ng napaulat na pagtaas ng kaso ng dengue sa gitna ng tag-ulan, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosana maaaring aprubahan na ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ngayong taon na magkaroon ng lisensya ang second-generation dengue vaccine.

Tinutukoy  ni Herbosa ay ang QDENGA vaccine ng Takeda Pharmaceuticals na nakabase sa Japan, na nag-apply na para sa certificate of product registration (CPR) mula sa FDA noong nakaraang taon.

Sinabi ni Herbosa sa pre-SONA special interview ng state-run PTV, ang  karaniwang proseso ay tumatagal ng halos isang taon.

“So kung last year nag-apply na sila, anytime this year lalabas na ‘yan,” sabi ni Garcia.

Noong nakaraang buwan, nanawagan ang mga pinuno ng ilang grupo ng mga doktor sa FDA na aprubahan ang lisensyang QDENGA, dahil ang Pilipinas ay nahuhuli sa mga kalapit na bansa pagdating sa pagbabakuna laban sa impeksyon sa virus.

Sinabi ni Herbosa na nakipag-usap na siya sa  Takeda Pharmaceuticals noong nakaraang taon, at hinihintay na lamang ang pag-aaral ng FDA kaugnay sa pag-apruba ng bagong bakuna.

Taong 2017 nang naging kontrobersyal ang Dengvaxia dengue vaccine matapos  inanunsyo ng  manufacturer na Sanofi Pasteur na ang bakuna ay maaring nagdudulot ng “severe” symptoms para sa mga hindi pa na-infecr ng dengue bago ang mabakunahan.

Dahil dito, ipinag-utos ng FDA ang suspension ng pagbebenta, diatribusyon, marketing ng bakuna at ang pag-withdraw ng produkto sa merkado.

Habang hinihintay ang pagdating ng second-generation dengue vaccine sa Pilipinas, sinabi ni Herbosa na ang vector control pa rin ang pangunahing solusyon sa pagtugon sa problema sa dengue ngayong tag-ulan.

“Hindi bakuna ang solusyon, talagang vector control ang importanteng solusyon sa dengue during the season kasi kahit magbakuna ka pa ng madaming tao, useless ‘yun kasi you need two doses,” saad ni Herbosa.

Sa kasalukuyan, wala pa ring partikular na paggamot para sa dengue. Ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang impeksyon ay upang maiwasan ang kagat ng lamok, lalo na sa araw.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, bahagyang tumaas ang mga kaso ng dengue ng humigit-kumulang 10% — mula 5,547 na naiulat noong Mayo 5-18, hanggang 6,082 na kaso noong Mayo 19-Hunyo 1.

Mayroon ding 4,689 na mga kaso na naiulat mula Hunyo 2 hanggang 15 sa ngayon, ngunit sinabi ng ahensya na ang bilang na ito ay maaaring magbago pa rin dahil sa mga papasok na late reports.

Mula noong simula ng taon hanggang Hunyo 15, may kabuuang 77,867 na kaso ng dengue ang naiulat sa buong bansa, kung saan 205 ang namatay. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)