Home METRO Bagong dialysis center, itatayo sa Pedro Gil Residences sa Maynila

Bagong dialysis center, itatayo sa Pedro Gil Residences sa Maynila

2
0

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Huwebes, Agosto 13, ang groundbreaking ceremony para sa bagong hemodialysis center na itatayo sa ground floor ng Pedro Gil Residences, isang vertical housing project ng pamahalaang lungsod.

Layunin ng proyekto na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga residente, partikular sa mga pamilyang nakatira sa mga pampublikong pabahay.

Ayon kay Domagoso, katuwang ng pamahalaang lungsod ang pribadong sektor sa pagtatayo ng pasilidad upang mas madaling ma-access ng mga residente ang dialysis treatment.

May mga dialysis facility na kasalukuyang pinatatakbo ang lungsod sa Santa Ana Hospital at Ospital ng Maynila. Nakatakda rin umanong muling buhayin ang dialysis facility sa Gat Andres Bonifacio Medical Center upang higit pang mapalawak ang serbisyo.

Binigyang-diin ng alkalde ang malaking gastusin ng dialysis na maaaring magdulot ng matinding problema sa pananalapi ng mga pamilyang may pasyenteng nangangailangan ng regular na gamutan.

“Mahirap ang dialysis. Ang dialysis procedure, napakarami na naging milyonaryo, dumami na po ang milyonaryo sa pagda-dialysis kasi dati silang bilyonaryo,” ani Domagoso.

Ayon pa sa alkalde, mas madaling nakakayanan ng mayayamang pamilya ang gastos sa dialysis kumpara sa mga ordinaryong mamamayan na maaaring maubos ang ipon dahil sa patuloy na gamutan.

Kaya naman, sinabi niyang mahalaga ang pagtatayo ng pasilidad malapit mismo sa mga residente upang mabawasan ang dagdag na gastos at hirap sa pagpunta sa malalayong ospital.

Pinuri rin ni Domagoso ang mga pribadong katuwang, Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Manila Health Department (MHD) at iba pang ahensiya at health workers na tumulong para maisakatuparan ang proyekto.

Iniugnay din ng alkalde ang bagong dialysis center sa kanyang Minimum Basic Needs (MBN) program na nakatuon sa apat na pangunahing pangangailangan—pabahay, edukasyon, kalusugan at trabaho.

Nagpasalamat din si Domagoso sa Manila City Council sa pag-apruba sa proyekto isang araw bago ang groundbreaking, gayundin sa mga opisyal ng barangay, health workers at city personnel na dumalo sa seremonya sa kabila ng pag-ulan.

Sa pamamagitan ng bagong pasilidad, target ng pamahalaang lungsod na mas mapalapit sa komunidad ang serbisyong medikal para sa mga pasyenteng nangangailangan ng regular na dialysis. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here