MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Malakanyang ang trabaho sa tanggapan ng gobyerno at klase sa lahat ng antas sa publiko at pribadong eskuwelahan sa National Capital Region, at mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna at Quezon, ngayong araw ng Huwebes, Agosto 13, epektibo alas-3:00 ng hapon sa rekumendasyon na rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bunsod ng malakas na ulan sanhi ng Southwest Monsoon.
Nakasaad sa Memorandum Circular No.125, ang mga ahensiya na may kinalaman sa paghahatid ng basic at health services, paghahanda/ pagtugon sa disaster/ kalamidad at/o pagganap sa ibang mahalagang serbisyo ay inatasan na ipagpatiloy ang kanilang operasyon at magbigay ng kinakailangang serbisyo.
Ang localized cancellation o suspensyon ng klase at/o trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno at iba pang lugar ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local chief Executives, alinsunod sa kaugnay na batas, rules and regulations.
Ang suspensyon ng trabaho para sa mga pribadong kompanya at tanggapan ay ipinauubaya na sa diskresyon ng kani-kanilang pinuno.
Ang MC No. 125 ay nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto, sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (KRIS JOSE)







