CEBU, Philippines – Magkakaroon na ang Mindanao ng sarili nitong disaster resource center.
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagpapatuloy na konstruksyon ng bagong pasilidad sa Butuan City.
Sa isinagawang pag-inspeksyon ng Pangulo sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Mandaue City, Cebu, sinabi ni Pangulong Marcos na ang Mindanao Disaster Resource Center sa Butuan City ay malamang na mag-operate sa pagtatapos ng 2027.
“So, in the meantime, dito muna natin kukunin. Kaya napakalaking bagay,” anito.
“Ganoon ang sistema na ginawa natin. Kaya maganda, maganda na ang production para sa food pack para alalayan naman natin. Ito ang unang panahon na ang National Government ay nagbibigay ng food pack,” aniya pa rin.
Kasama ng Pangulo si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, ininspeksyon ang bagong mechanized production system ng VDRC, isang state-of-the-art upgrade ng automatic vacuum packaging lines sa disaster response infrastructure nito.
Pinondohan sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund at nakompleto noong July 2025, ang P117 million project ay naglalayon na pagandahin ang disaster preparedness at paghusayin ang response mechanisms sa buong Visayas region.
Ang VDRC ay nagsisilbi bilang “primary production, storage, at logistics hub” para sa disaster response operations sa Visayas at Mindanao, ginagampanan ang mahalagang papel sa napapanahong paghahanda at pamamahagi ng relief goods sa mga komunidad na apektado ng natural disasters at iba pang krisis.
Mula 2016 hanggang January 2026, nakapag-produce ang VDRC ng 8,977,512 family food packs (FFPs).
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ang daily production ng center ay mayroong pagtaas sa 300,000 FFPs mula sa 5,000 hanggang 8,000 FFPs.
“So, patuloy lang ang production nito hanggang umabot ng mga five million. Lampas ng five million. Pero malaking tulong itong pagkagawa. Ito, pinagawa pa natin, pina-design natin itong mga machine na ito,” ang sinabi ng Pangulo.
Winika pa ng Pangulo na malapit na mag-expire ang FFP kaya’t kagyat na ipamamahagi sa mga kuwalipikadong benepisaryo para iwasan na maaksaya ang government resources. (KRIS JOSE)