MANILA, Philippines – Nanawagan ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa lahat ng mananampalatayang layko na makiisa sa nalalapit na Penitential Walk for Life 2026 na may temang “Walk for Life! Walk for Unity as One Nation!”
Nakatakda itong ganapin sa Marso 20, 2026 sa Intramuros, Maynila.
Layon ng taunang gawain na ipahayag ang kabanalan ng buhay, manalangin para sa mga mahihina at walang boses, at ipakita ang paninindigan para sa buhay ayon sa plano ng Diyos.
Ayon sa implementing arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity, mahalaga ang pagtindig ng bawat layko bilang saksi sa kabanalan ng buhay at sa patuloy na pagtatanggol dito.
Ayon sa SLP, ang aktibidad ay higit pa sa isang paglalakad sapagkat ito ay panalangin na isinasabuhay sa pamamagitan ng pagsasakripisyo para sa Panginoon, at malinaw na patotoo sa sambayanan na ang buhay ay sagrado, mahalaga, at dapat ipagtanggol.
Pagbabahagi ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, ang nakatakdang gawain ay iaalay rin bilang pananalangin para sa mga hindi pa isinisilang, sa mga mahihina at walang boses sa lipunan, at sa lahat ng nakararanas ng pag-atake sa kanilang dignidad.
Bahagi rin ito ng pagsusumamo para sa bayan na manatiling isang bansang kumikilala at nagtataguyod sa buhay na naaayon sa plano ng Diyos.
Magsisimula ang pagtitipon ganap na alas-dos ng hapon sa Baluarte Plano Luneta de Sta. Isabel, Intramuros na susundan ng Penitential Walk with Via Crusis ganap na alas-kwatro kinse ng hapon kung saan sa diwa ng pagkakaisa at pananampalataya ay sama-samang maglalakad ang lahat patungong Minor Basilica and Metropolitan Cathedral o Manila Cathedral kung saan isasagawa ang pagdiriwang ng banal na misa at maikling programa ganap na alas-syete y medya ng gabi. Jocelyn Tabangcura-Domenden