MANILA, Philippines – Pinalagan ng Malakanyang ang panibagong alegasyon ng panunuhol na ikinakabit kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Para sa Malakanyang, malinaw na ito’y isang “politically motivated at kapos sa kredibilidad.”
Nauna rito, sinabi ni dating Cong. Mike Defensor na may panibagong batch ng mga dating sundalo ang handa nang tumestigo sa di umano’y bribery o panunuhol ni Pangulong Marcos ng bilyong piso.
Sinabi pa ni Defensor na isinagawa ito para busalan ang mga dating sundalo na magsalita.
Hayagan namang kinuwestiyon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang motibo ni Defensor.
“Mike Defensor, the known wonder boy. Marami sa kaniyang talumpati ang naghihikayat sa ating mga kababayan na tanggalin sa puwesto ang ating Pangulo. Alam na natin ang motibo,” ayon kay Castro.
Kinumpara rin ni Castro ang situwasyon sa mga nakalipas na kontrobersiya na may kinalaman sa di umano’y ‘coerced testimonies.’
“Mike Defensor again, Ador Mawanay 2.0 – kilala ang salitang ‘Mawanay’ dahil sa pamimilit diumano sa kanya na gumawa ng pekeng salaysay,” she added.
Si Ador Mawanay, isang negosyante, na ang tunay na pangalan ay Antonio Luis Marquez, taong 2001, inakusahan ni Mawanay ang ilang mambabatas na sangkot umano sa illegal drug trade, kidnapping, korupsyon.
Kabilang sa mga inakusahan niya si Senador Panfilo Lacson. Ani Mawanay, na nagpakilalang isang computer expert umano, may mga foreign bank account umano si Lacson mula sa mga ilegal na gawain nang siya pa ang hepe ng Philippine National Police.
Di kalaunan, humingi ng tawad si Mawanay at inamin na hindi totoo ang mga akusasyon.
At nang tanungin si Castro kung ang bagong alegasyon ay para tangkain na i-divert ang atensyon mula sa mga usapin na may kianlaman ang International Criminal Court (ICC), sinabi ni Castro na posible ang anggulo na ito.
“Malamang, kung anuman ang motibo nila, malamang na maaaring i-discredit at tanggalan ng kredibilidad at integridad ang ICC but mas concerned po tayo sa mga kasinungalingan na kanilang ibinabato sa ating Pangulo,” ang pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)