MANILA, Philippines – Mahigpit na pinaalalahanan ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng rehistradong dayuhan sa bansa na tapusin na ang kanilang 2026 Annual Report bago sumapit ang deadline sa darating na Marso 1.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, saklaw ng utos ang lahat ng foreign nationals na may hawak na immigrant at non-immigrant visas na mayroong Alien Certificate of Registration Identity Card o mas kilala bilang ACR I-Card.
Babala ng BI, hindi dapat ipagsawalang-bahala ang taunang obligasyong ito dahil maaari itong magdulot ng penalty at abala sa mga papeles ng pananatili sa bansa kapag hindi naisagawa sa tamang panahon.
Ipinaliwanag naman ni BI Alien Registration Division Chief Jose Carlitos Licas Jr. na maaari nang mag-comply ang mga dayuhan sa pamamagitan ng online platform ng ahensya sa e-services.immigration.gov.ph — kaya wala nang dahilan para magpahuli.
Para sa mga nais namang magtungo nang personal, isinasagawa ang Annual Report processing ng BI Main Office sa Robinsons Place Manila (3rd Level, Center Atrium) mula alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes, maliban kapag holiday.
Dinadagsa umano ang tanggapan habang papalapit ang deadline kaya pinapayuhan ang mga dayuhan na huwag nang hintayin ang huling araw bago kumilos.
Mas pinadali rin ang pagbabayad dahil maaaring gumamit ng Maya, GCash, credit card, o Landbank sa online filing — patunay na digital na rin ang sistema ng BI.
Giit ni Viado, kailangang maisagawa ang Annual Report sa loob ng unang 60 araw ng taon upang makumpirma at ma-update ang registration records ng bawat dayuhan sa bansa.
Ito rin aniya ang paraan upang matiyak na maayos ang status ng pananatili ng mga foreign nationals at maiwasan ang anumang problema sa kanilang visa. JAY Reyes