Home NATIONWIDE Bagong hepe ng Dangerous Drugs Board kilalanin

Bagong hepe ng Dangerous Drugs Board kilalanin

MANILA, Philippines- Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si dating Interior and Local Government Undersecretary for Peace and Order Oscar Valenzuela bilang bagong pinuno ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Ang appointment ni Valenzuela ay inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) sa isang Facebook post, araw ng Biyernes.

Base sa listahan ng mga bagong presidential appointees na ipinalabas ng PCO, si Valenzuela ay magsisilbi bilang chairperson at permanenteng miyembro ng DDB.

Pinalitan ni Valenzuela si Catalino Cuy na naupo bilang DDB chair mula pa noong 2018.

Sa bisa ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang DDB ay nagsisilbi bilang policy-making and strategy-formulating body sa drug prevention and control.

Ang mandato ng DDB ay i-develop at i-adopt ang isang komprehensibo, integrated, unified at balanseng national drug abuse prevention at control strategy.

Si Valenzuela ay miyembro ng Philippine Military Academy “Marangal” Class of 1974.

Nahawakan din niya ang mga pangunahing tungkulin bilang isang dating police officer, nagsilbi bilang Police Assistant Regional Director for Operations ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at Police Provincial Director sa Ilocos Norte.

Nang magretiro mula sa Philippine National Police, si Valenzuela ay naging pinuno ng National Terrorism Prevention Office of the Anti-Terrorism Council Program Management Center at chairperson ng Asia Pacific Economic Conference Counter-Terrorism Working Group.

Pinangunahan din niya ang Philippine Delegation sa White House Summit on Countering Violent Extremism sa Washington D.C. noong 2015.

Bilang dating Local Government Undersecretary for Peace and Order, sinuportahan ni Valenzuela ang iba’t ibang programa ng National Anti-Drug Strategy, kabilang na ang Philippine Drug Enforcement Agency’s Anti-Drug Advocacy Program. Kris Jose