MANILA, Philippines – Iniulat ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima noong Huwebes, Disyembre 4, na may grupo na naghahanda ng bagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
“May grupo na nag-iisip, nagpe-prepare na para sa posibleng pagsusumite ng bagong impeachment complaint,” ani De Lima. Dagdag niya, “Nandyan pa rin ang mga complaints sa confidential fund misuse at iba pang posibleng dahilan para sa impeachment.”
Ayon kay De Lima, maaaring may iba pang ebidensya at basehan laban sa bise presidente. “Isang bagay ang malinaw—hindi pa siya lusot,” diin niya.
Naunang na-impeach si VP Duterte ng 19th Congress, at ang impeachment complaint ay ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025. Ngunit idineklarang unconstitutional ng Supreme Court ang nasabing reklamo dahil lumabag ito sa one-year bar rule. Ang Pebrero 5 complaint ang ika-apat na inihain laban kay Duterte simula Disyembre 2024.
Sa desisyon ng SC, ang maagang petsa para makapaghain muli ng bagong impeachment complaint ay Pebrero 6, 2026.
Binanggit ni De Lima na wala pang closure sa mga seryosong isyu ng pananagutan ni VP Duterte, lalo na sa alleged misuse ng P612.5 milyon confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
“Hindi dapat isipin na lusot na ang ating Bise Presidente. Ang accountability ng public officers ay walang pinipili at dapat ipatupad sa lahat,” ani De Lima.
Ang P612.5 milyong confidential fund misuse ay isa sa mga pangunahing dahilan na inilahad ng mga kongresista ng 19th Congress sa impeachment complaint. Ngunit pinawalang-bisa ito ng SC bago magsimula ang impeachment trial sa Senado. RNT/MND